5 dekadang rido natuldukan: 24 armas isinuko

MANILA, Philippines — Umaabot sa dala­wam­pu’t apat na armas ang isi­nuko sa tropa ng Joint Task Force (JTF) Zampelan matapos ang mahigit 5 dekadang rido (clan war) sa pagitan ng dalawang magkalabang angkan sa Lanao del Sur noong Lunes.

Kinatawan ni Lanao del Sur Vice Governor Mamintal Adiong Jr., habang ang Joint Task Group (JTG) Haribon ay kinatawan naman ni Col. Generoso Ponio na siyang nangasiwa  para magkaayos ang dalawang prominenteng angkan sa pagitan nina Vice Mayor Jafar Dipatuan ng Bacolod- Kalawi at Mayor Al Fatah Pacalina  Balindong ng Tugaya.

Sinabi ni Captain Jo-Ann Petinglay, spokesperson ng AFP Western Mindanao Command,  ang seremonya sa  pagkakasundo ng magkalabang angkan ay isina­gawa sa himpilan ng JTG Haribon sa Camp Ranao, Marawi City bandang alas-12 ng  tanghali.

Kabilang sa isinukong mga armas ay dalawang cal. 50 Barret, anim na M14 Armalite rifles, pitong M16 Armalite  rifles, apat na M203 grenade launcher, tatlong M79 grenade, cal. 30 rifle at Browning Automatic rifle (BAR).

Pinasalamatan naman ni Lt. Gen. Carlito Galvez,  ang PNP at Army’s 1st Infantry Division sa pagkakaayos ng magkalabang angkan upang hindi na mu­ling maulit pa ang pagdanak ng dugo.

Show comments