Trader dinedo sa Christmas party

MANILA, Philippines — Napaslang ang 63-an­yos na inhinyerong negosyante matapos itong pagbabarilin ng hindi kila­lang gunman sa idinaos na Christmas party sa Barangay Poblacion, bayan ng Lingayen, Pangasinan noong Biyernes ng gabi.

Idineklarang patay sa Jesus Nazarene General Hospital ang biktimang si Benjamin Saringan, may asawa at kilalang negos­yante sa kanilang lugar.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naitala ang pamamaril dakong alas-7:45 ng gabi sa harapan ng Tren-S Builders and General Merchandise na  pag-aari ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagdaraos ng Christmas party ang biktima sa kaniyang mga kawani at trabahador nang bigla na lamang sumulpot ang hindi pa kilalang lalaki saka nagsimulang pagbabarilin ito.

Mabilis namang tumakas ang gunman patungo sa hindi pa malamang destinasyon matapos masigurong napuruhan ang biktima.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero nabigong maisalba ang buhay nito.

Show comments