Misis pinasok, kinatay ng ‘akyat-bahay’

Tinangka pang gahasain..

LEGASPI CITY, Albay, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 30-anyos na Ginang matapos na tadtarin ng saksak ng isang ‘di kilalang lalaki na pumasok sa kanilang tahanan at hinihinalang tinangka pa siyang gahasain sa Brgy. Caratagan, bayan ng Pio Duran, ng lalawigang ito noong Sabado ng madaling araw.

Sinubukan pang isugod sa Pio Duran District Hospital pero dineklarang patay ang biktimang si Sherryl Talavera, ng Sitio Mabatag, nasabing barangay dahil sa dami ng saksak na tinamo sa kanyang katawan.

Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang magising ang anak ng biktima na si Sherryl Ann dahil sa malakas na sigaw ng kanyang ina sa kuwarto nito at humihingi ng tulong.

Sinabi ni Sherryl Ann na agad siyang sumugod sa kuwarto ng ina at laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang ina na duguan. Isang hindi kilalang lalaki ang nakita nito na mabilis na umakyat sa kisame at lumusot pa sa bubong ng kanilang bahay upang makatakas.

Sa bilis ng pangyayari, hindi namukhaan at nakilala ng anak ng Ginang ang suspek dahil sa nakapatay din ang ilaw ng kuwarto ng huli.

Narekober sa loob ng kuwarto ang duguang kutsilyo na ginamit ng suspek sa pananaksak sa Ginang.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na posibleng kalugar o residente lamang sa nasabing barangay.

Show comments