Dyip bumaliktad: 5 kritikal

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Limang katao ang kritikal matapos sumalpok sa nakaparadang Mitsubishi Pajero SUV bago tumaob ang kanilang sinasakyang jeepney sa Sitio Pakak, Brgy.  Killing, Alfonso Lista, Ifugao noong Huwebes. Kinilala ni Sr. Insp. Edwin Pocasan, hepe ng Alfonso Lista Police ang mga isinugod sa isang pribadong pagamutan sa Santiago City, Isabela na sina Mark Wasigan Totoc, 18; Antolin Malana Totoc, 55; Cleve Davies Wasigan Totoc, 7; Justin Mar Daioin Cuaresma, 4 at Mary Sayaan Bangilan, 44, mga residente ng Paracelis, Mt. Province. Sinasabing nakikipagkarera ang drayber ng dyip na si Alexander Bangilan,29, sa isa pang sasakyan nang mawalan ito ng preno sa pabulusok na kalsada at tumbukin ang nakaparadang SUV na hindi pa natukoy ang may-ari.Unang isinugod sa Potia District Hospital ang 25 pasahero ni Bangilan na nagtamo ng mga sugat at bukol bago inilipat ang limang kritikal sa Santiago City.?

Show comments