BULACAN, Philippines - Isa ang nasawi habang 12 katao na sinasabing mga tulak at lulong sa shabu ang naaresto ng pulisya matapos na isagawa ang panibagong drug bust operation sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, Biyernes ng madaling araw.
Nakilala lamang ng pulisya ang napatay na umano’y tulak ng droga sa alyas na “Jay”, tinatayang nasa 28-30 anyos.
Nadakip sa operasyon sina Santiago Landayan, 40; Francisco Santos, 31; Manuelito Sanchez, 48; Pablo Palomia, 38; Wilma Rodriguez, 38;Jennifer Berdin, 29; Reynaldo Geronimo, 62, kapatid ng isang aktibong pulis; Marcos Valle, 23; Wendy Iwakawa, 31,live-in partner nitong si Eagle Fernando, 31; Jon-Jon Bondoc, 42 at Ronnel Reyes, 31.
Sa ulat ni P/Supt. Orlando Castil Jr. ng Guiguinto Police sa Kampo Alejo Santos, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang isagawa ang transaksyon ng police poseur buyer kay Jay sa Brgy. Tuktukan at Brgy. Poblacion ngunit nang makahalata ang suspek ay agad umano siyang bumunot ng baril sanhi upang gumanti ng putok ang pulisya na nagresulta ng kamatayan nito.
Nasakote naman ang iba pang mga suspek habang narekober sa mga operasyon sa lalawigan ang isang .38 revolver, mga bala, 42 sachet ng shabu, drug paraphernalias, marked money at skeleton type na motorsiklo ng nasawing suspek.