5 arestado sa P1.4-M ‘damo’

BULACAN, Philippines  – Limang kalalakihan kabilang ang isang menor-de-edad ang nasakote makaraang makumpiskahan ng P1.4-milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang anti-drug ope­ration sa Barangay Guyong, bayan ng Santa Maria, Bulacan noong Lunes ng hapon. Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Eurice “RR” Tiqui, 20; John Peter Pineda, 20; John Laurence Pineda, 18; isang 16-anyos na lalaki, mga estudyante at nakatira sa Brgy. Pulong Buhangin; at si Jeffrey Ponce, 18, ng Brgy. Partida sa bayan ng Norzagaray. Base sa ulat na nakarating kay P/Supt. Raniel Valones, nagpanggap na poseur-buyer ang isa sa mga pulis sa mga suspek sa isang aparment sa Celeste Street matapos na makumpirmang patuloy sa drug trade ang nasabing grupo. Naunang nasakote si Eurice na nagbigay ng sachet ng marijuana sa poseur-buyer na pulis. Samantala, naaktuhan naman sa loob ng apartment ang apat pang suspek na nagrerepak ng marijuana. Nasamsam naman ang 14 kilong giniling na marijuana sa sako at malalaking plastic bags, at mga drug paraphernalia. Nabatid na ang mga suspek ay pangunahing supplier ng damo sa mga bayan ng Bocaue, San Muguel, San Ildefonso, San Rafael at Malolos City na karamihang parukyano ay mga estudyante.

Show comments