Supplier ng droga ni Kerwin, timbog sa ops!

MANILA, Philippines -  Naaresto na ng pinagsanib na elemento ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang itinuturing na “drug queen” sa buy bust operation sa Iligan City kahapon.

 Kinilala ang suspek na si Lovely Adam Impal, nasa hustong gulang, supplier ng illegal na droga ni Eastern Visayas drug lord Rolan Kerwin Espinosa.

 Sa ulat ng Iligan City Police, nadakip ang suspek  sa kahabaan ng Quezon Avenue Palao, Iligan City bandang alas-12 ng tanghali.

 Ayon sa pulisya, nagsagawa ng buy bust ope­ration ang mga awtoridad matapos na matiktikan na sa kabila ng kanyang naunang pagsuko ay aktibo pa rin umano si Impal sa pagiging supplier ng illegal na droga.

 Nakumpiska mula kay Impal ang apat na sachet ng shabu at 9 na medium size na plastic sachet ng illegal na droga. Nakuha rin sa kanya ang limang piraso ng P1,000.00 bill na nagsilbing marked money sa operation at isang Toyota Fortuner  na may conduction sticker YM 2128.

 Isinailalim na sa kustod­ya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 10 si Impal kaugnay ng kasong kriminal na kinakaharap nito.

 Magugunita  na noong nakalipas na taon ay lumutang sa Camp Crame at sumuko kay PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa si Impal matapos siyang ikanta ni Kerwin na siyang supplier niya ng droga.

Show comments