Lolo dinedo dahil sa love triangle

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Pinaniniwalaang love triangle ang isa sa motibo kaugnay sa pamamaslang sa 60-anyos na lolo matapos itong  ratratin ng hindi kilalang lalaki habang umaani ng pananim na gulay sa kanyang bakuran sa Barangay Surgui, bayan ng Paoay, Ilocos Norte kamakalawa. Ayon kay P/Chief Insp. Dexter Corpuz, tagapagsalita ng Ilocos Norte PNP, bago napatay ang biktimang si Benedicto Taroma ay inihabilin nito sa kanyang misis na si Norma Taroma kung may papatay sa kanya ay yaong mister ng kanyang kalaguyo ang may kagagawan. Ayon sa imbestigasyon, inamin ng biktima sa kanyang misis na mayroon siyang kinahuhumalingang 41-anyos na babaeng hindi na malaya.Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang inimbitahan naman ng pulisya ang umano’y kalaguyo ng matanda at mister nito para sa kaukulang pagtatanong.

Show comments