Pagawaan ng pekeng sigarilyo, ipinasara

Ilan sa mga gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad matapos ang operasyon sa Barangay San Isidro, bayan ng Lubao, Pampanga.
Gary Bernardo

CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Tuluyang ipinasara ng lokal na pamahalaan katuwang ang pulisya ang bodega ng feed mill na sinasabing iligal na pagawaan ng iba’t-ibang brands ng sigarilyo sa Barangay San Isidro sa bayan ng Lubao, Pampanga noong Huwebes.

Ayon kay P/Chief Supt Aaron Aquino, police regional director, Pinaghahanap ng pulisya ang may-ari ng pabrika na si Mark Bryan Chan, Chinese national.

Nabatid na sarado ang pabrika sa umaga habang sa gabi lamang nag-ooperate ang mga ito kaya naghinala ang ilang residente at ipinaabot sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Napag-alamang nabili ni Chan ang nasabing lugar noong Pebrero 2016 at nag-apply ng permit sa lokal na pamahalaan para sa feed mill noong Setyembre 2016.

Wala na ang may-ari na si Chan at ang mga tauhan nang sumalakay ang mga awtoridad kabilang na ang mga kinatawan ng lihitimong gumagawa ng sigarilyo at ilang tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Inilagay sa malalaking kahon ang mga pekeng sigarilyo na may tatak ng importation markings at ang pinekeng seal ng Bureau of Internal Revenue.

Ayon kay Atty. Jethro Sa­bariaga, BIR regional director, nahaharap ang may-ari na si Chan sa kasong tax evation habang dinala sa tanggapan ng regional BIR ang mga pekeng sigarilyo para isailalim sa masusing pagsusuri.

Show comments