2 Abu Sayyaf utas sa encounter

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang bandidong Abu Sayyaf Group makaraang makipagsagupaan sa tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Indanan, Sulu, kahapon ng umaga.

Ayon kay Col. Rodrigo Gregorio ng Joint Task Force Sulu, nakarating sa kaalaman ng militar ang presensya ng mga bandido kaya kaagad na rumesponde ang 11th Scout Ranger Company sa nasa­bing lugar.

Bandang alas-6:45 ng umaga nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng military at Abu kung saan napatay ang dalawa bago tuluyang tumakas ang iba pang bandido.

Narekober ng militar ang bangkay ng dalawang Abu, M16 assault rifle na may nakakabit na M203 grenade launcher at ang improvised explosive device (IED).

Ayon sa JTF Sulu, uma­bot na sa 38 bilang ng ASG  na napatay simula ng paigtingin ang combat operations ng militar na sinimulan noong Hulyo 2016.

Umabot naman sa 15 sundalo ng Phil. Army ang napatay sa bakbakan habang 28 ang sugatan.

Naniniwala ang mga opisyal ng militar na nagkahiwa-hiwalay na ang grupo ng bandido para makaiwas sa operasyon ng Phil. Army kung saan sinasabing nagtatanim na lamang ng mga bomba ang ASG para maantala ang galaw ng tropa ng pamahalaan.

 

Show comments