Nawawalang scuba diver natagpuang patay

BATANGAS, Philippines – Natagpuang patay ang 35-anyos na babaeng scuba diver matapos itong mawala sa  karagatang sakop ng Barangay Mainit sa bayan ng Mabini noong Linggo.

Kinilala ni P02 Leody Pa­nganiban ang biktima na si Agnes Maria San Pedro, call center agent at nakatira sa Filinvest 2, Quezon City.

Base sa police report, nagawang mag-dive ni San Pedro kasama ang pito pang diving students, dalawang assistant dive master at isang dive master habang sakay ng bangka na may 200 metro ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Mainit bandang alas-11 ng umaga.

Matapos ang 20 hanggang 30 minuto sa ilalim ng dagat, sumenyas na ang dive master sa lahat para umahon na.

Gayunman, nabigong umahon ni San Pedro kaya kaagad na hinanap ng dive master at mga instructor sa ilalim ng dagat.

Nang mabigo ang mga dive master sa paghahanap kay San Pedro ay humingi na ng saklolo sa Philippine Coast Guard, Bantay-Dagat, Maritime Police at sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay PO1 Bernie Mark Anthony Faderogao, bandang alas-10 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ni San Pedro na nakahandusay sa ilalim ng dagat na may 20-30 metro ang lalim.

 

Show comments