Encounter: 11 Abu dedo, 17 sundalo sugatan

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 11- mi­yembro ng Abu Sayyaf Group ang napatay habang 17 namang sundalo ang nasugatan sa panibagong sagupaan sa kagubatan ng Patikul, Sulu noong Biyernes ng umaga

Tumagal ng 45-minuto ang bakbakan matapos na masabat ng Army’s 4th Scout Ranger Battalion (SRB) ang mga bandido sa Sitio Makaita, Brgy. Bungkaong dakong alas-6:12 ng umaga. 

Ayon pa sa opisyal na nakatanggap sila ng impormasyon na isa sa mga lider ng Abu Sayyaf ang napatay sa bakbakan pero patuloy pang kinukumpirma habang 17 sundalo naman ang nasugatan kung saan mabilis na inilipad ng helicopter patungo sa Trauma Hospital sa kampo ng militar sa Brgy. Busbus, Jolo, Sulu habang ang mga grabe ay dinala na sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.

Pinaniniwalaan namang ang nakasagupa ng tropa ng militar ay grupo nina Abu Sayyaf Commanders Radulan Sahiron at ilang senior kumander ng terorista.

Nabatid na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte  na pulbusin na ang nala­labing lider at miyembro ng Abu Sayyaf kasunod ng pamumugot sa 18-anyos na bihag  na si  Patrick James Almodovar.

Narekober naman ang pugot na ulo ni Almodovar noong Huwebes ng umaga matapos na itapon ng mga bandido sa Kilometer 2, Brgy. Kajatian, Indanan noong Agosto 24 ng gabi.

Sinasabing nabigo ang pamilya ni Almodovar na magbayad ng P1 milyong ransom kaya itinuloy ang banta ng ASG.

Show comments