Bangkay ng 2 hinihinalang magnanakaw natagpuan sa Sto. Tomas

STO. TOMAS, Batangas (The Filipino Connection) – Patay ang dalawang hinihinalang magnanakaw matapos na pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang mga suspek sa Barangay San Roque sa bayang ito nitong Biyernes.

Kinilala ang nasawing mga biktimang sina Jayson Arsolon at Jerome Sata. Pinaniniwalaang naglalakad pauwi ang dalawa papunta sa kanilang mga tahanan nang sila’y tambangan.

Batay sa report ng Sto. Tomas police, bandang alas-10 ng gabi nang makarinig ng mga putok ng baril ang ama ni Jasyon na si Amparo Catapang pero dala ng takot ay hindi na niya ito pinansin pa. Hindi na rin siya lumabas pa ng bahay.

Hanggang sa kinabukasan bandang alas-6:40 ng umaga ay nakita na lamang nilang nakahandusay ang bangkay ng dalawang biktima na tadtad ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya ay napag-alamang dati na ring nasangkot sa serye ng pagnanakaw ang mga biktima sa Barangay San Roque at sa karatig-bayan ng Sto. Tomas. Iniimbestigahan din nila ang report na 'di umano’y dati na ring nakulong si Jerome sa Calamba para rin sa kaso ng pagnanakaw.

Itinanggi naman ng mga kamag-anak ng biktima na magnanakaw ang mga ito at sa halip aniya ay napagbintangan lamang sila.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa mga tumakas na suspek at ang motibo ng pagpatay.

 

Si Jenna Rodrigueza ay reporter ng The Filipino Connection, regional partner ng Pilipino Star Ngayon.

Show comments