Bata dedo, 5 sugatan sa bangin

MANILA, Philippines – Patay ang 4-anyos na bata habang lima naman ang nasugatan makaraang mahulog ang sinasakyang Ford Fiera sa malalim na bangin sa matarik na highway ng Sitio Akiki sa Barangay Paoay, bayan ng Atok, Benguet noong Lunes ng hapon. Idineklarang patay sa Atok District Hospital ang biktimang si Regie Peranel habang sugatan naman ang driver ng sasakyan (AAW 269) na si Decion Ladey, 58, maging sina Dominga Gaewen, Carlyn Lad-ey, Jenelyn Gaewen, at si Jemalyn Mariano. Sa ulat ng Cordillera PNP na isinumite sa Camp Crame, bumabagtas ang sinasakyan ng mga biktima na kargado ng mga gulay patungong La Trinidad, Benguet  nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver habang paakyat sa matarik na highway. Bumaliktad ang sasakyan at tuluy-tuloy na nahulog sa may 100 metrong lalim na bangin  sa gilid ng highway. Sumaklolo naman ang rescue team na agad isinugod sa pagamutan ang mga biktima.

Show comments