Hostage taker patay sa pulis

Kinilala ang napatay na hostage-taker na si Jonjon Roncales, 38, na sinasabing nang-hostage sa batang si Ralph Leonard Dy ng Barangay Dau sa bayan ng Mabalacat, Pampanga. Philstar.com/File

PAMPANGA, Philippines – Nasagip ang 9-anyos na totoy habang napatay naman ang desperadong mister na nang-hostage sa isinagawang rescue operation ng pulisya sa isang fastfood restaurant sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang napatay na hostage-taker na si Jonjon Roncales, 38, na sinasabing nang-hostage sa batang si Ralph Leonard Dy ng Barangay Dau sa bayan ng Mabalacat. Pampanga.

Sa police report na isinumite kay Regional PNP Director P/Chief Supt. Rudy Lacadin, bandang alas-9:30 ng gabi habang kumakain ang bata kasama ang ina nito sa kilalang fastfood nang bigla na lamang sunggaban ni Roncales na armado ng patalim.

Agad namang rumes­ponde ang mga operatiba ng pulisya sa pamumuno ni P/Senior Insp. Dante Cabungcal pero nabigo ang negosasyon na palayain ang bata matapos na magmatigas si Roncales.

Tinutukan ng patalim ni Roncales ang bata na niyayapos nito at sinusugatan na sa mata ng binaluktot na tinidor na ginawang patalim matapos na ihasa ang dulo ay dito na binaril at napatay ni Cabungcal ang hostage-taker.

Isinugod sa ospital si Roncales subalit idineklarang patay dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat habang ang totoy naman ay nagtamo ng bahagyang sugat sa mata.

Show comments