Anak minartilyo ng ama, todas

MANILA, Philippines – Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng 38-an-yos na anak matapos martil­yuhin sa ulo nang naubusan ng pasensya na 60-anyos nitong ama sa Barangay Agcuwayan, bayan ng Barotac Nuevo, Iloilo kamakalawa  ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa Western Visayas Medical Center ang biktimang si Larry Belonio habang nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na si Rolando Belonio.

Sa ulat ng Iloilo PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-7 ng gabi nang magtungo ang biktima sa bahay ng pinsan kung saan naghuramentado ito.

Dahil  hindi paawat sa pagwawala ay tuluyang naubusan ng pasensya ang matanda na nakatungga rin ng alak at minartilyo sa ulo ang anak na agad bumulagta at tumirik pa ang mata. Base sa record, ang biktima ay dating isinailalim sa rehabilitasyon dahil sa pagkalulong nito sa bawal na gamot.

Show comments