Lolo, apo inatado ng adik

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Nakikipaglaban kay kamatayan ang 67-anyos na lolo at apong nene nito makaraang pagtatagain ng adik nilang kapitbahay sa bayan ng Mercedez, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang isinasalba sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mga biktimang sina Nilo Diaz at Christine Tuzon, 12, mga nakatira sa Purok 4, Barangay Turom sa nabanggit na bayan. Pinag­hahanap naman ang suspek na si Renato Agno, 39, may asawa at residente rin sa nasabing barangay. Base sa ulat ng pulisya, pauwi na ang maglolo nang harangin at pagtatagain ng suspek pagsapit sa madilim na bahagi dakong alas-8 ng gabi. Mabilis namang tumakas papalayo ang nene upang humingi ng tulong subalit hinabol ng suspek saka hinalay at pinagtataga. Inilatag naman ang malawakang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek.

Show comments