8-anyos sinalpok ng kotse

QUEZON, Philippines – Naglaho nang parang bula ang magandang kinabukasan ng 8-anyos na Grade 3 pupil makaraang masagasaan ng kotse sa kahabaan ng Buenavista-Lopez Road sa Barangay Lilukin, bayan ng Buenavista, Quezon kamakalawa ng hapon. Hindi na umabot ng buhay sa Magsaysay District Hospital ang biktimang si Sheina Ortiz habang sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Cameo Coleen Tan, 28, negosyante at nakatira sa Barangay Poblacion. Ayon sa pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon ay kalalabas lamang ng biktima sa pinapasukang paaralan kung saan pauwi na nang masalpok ng kotseng minamaneho ni Tan. Tumilapon ang biktima at nasagasaan pa kaya nagkaroon ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Naisugod ng suspek ang biktima sa ospital subalit nalagutan na ito ng hininga sa daan pa lamang.

Show comments