Kotse vs truck: 2 pulis todas

BATAAN, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng dalawang pulis makaraang sumalpok ang kanilang kotse sa kasalubong na truck sa kahabaan ng Roman Highway sa Barangay Ala-Uli, bayan ng Pilar, Bataan kahapon ng madaling araw. Kinilala ang mga biktima na sina PO3 Rommald Darondon, 37, ng Barangay San Roque sa bayan ng Lubao, Pampanga; at PO1 Sandy Gacutan, 28, ng Enrile, Cagayan at kapwa nakatalaga sa Bataan Provincial Police Office (BPPO) sa Kampo Tolentino. Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na si Demetrio Marasigan, 59, ng Candelaria, Quezon. Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na nawalan ng control ang Toyota Vios (ZEM 708) ng mga biktima kaya sumalpok sa kasalubong na truck (XJT 598) ni Marasigan. Nagliyab naman ang kotse kaya hindi na nasaklolohan at nailabas ang mga biktima.

Show comments