Lover ni misis inutas ni mister

Crime scene sign

MANILA, Philippines – Matinding panibugho ang nagtulak sa 31-anyos na mister para mapatay ang lover ng kanyang mi­sis ma­tapos nitong barilin at saksakin sa Barangay Palomoc, bayan ng Titay, Zamboanga Sibugay kamakalawa.

Kinilala ang napatay na si Arnold Panisa, 30 habang nasakote naman ng mga operatiba ng pulisya ang 31-anyos na suspek na si Manuel Gadje.

Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, senglot ang biktima nang magpunta sa bahay ng suspek para tapusin na ang kanilang problema kaugnay sa kumakalat na tsismis sa barangay hinggil sa  relasyong namamagitan sa kanila ng misis ni Gadje.

Gayon pa man, sumiklab ang mainitang pagtatalo kung saan umabot na sa sukdulan ang kinikimkim na poot ng suspek kaya mabilis na pinaputukan ang biktima gamit ang shotgun kung saan hindi pa nakontento ay pinagsasaksak pa ito sa likod.

Narekober sa crime scene ang homemade shotgun, cartridge, mga bala at hunting knife habang inihahanda ang mga kaukulang ebidensya para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek.

Show comments