Pulis pinatay o nagbaril sa sarili?

BULACAN, Philippines – Pinaniniwalaang may foul play ang pagkamatay ng 28-anyos na pulis matapos itong mabaril sa kanyang bahay sa Barangay San Jose, bayan ng Baliwag, Bulacan kahapon. Namatay habang ginagamot sa Castro Hospital ang biktimang si PO2 Denmark De Leon, chief Investigator sa Bustos PNP at nagtamo ng tama ang bala sa ulo at hita. Sa ulat ni PO2 Joselito Guevarra, nasa silid ng kanyang bahay ang biktima nang biglang dumating si PO2 Angelica Casimiro na sinasabing nakatalaga rin sa Bustos PNP. Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay nakarinig ng tatlong putok ng baril ang ina ni PO2 De Leon na si Marilyn na kasalukuyang naglalaba sa labas ng kanilang bahay. Nang usisain ni Marilyn ang loob ng bahay ay bumulaga sa kanya ang anak na naliligo sa sariling dugo na may tama ng bala sa ulo at hita. Isasailalim sa paraffin examination ang biktima at maging si PO2 Casimiro habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments