2 guro dinukot ng Abu Sayyaf sa Zamboanga Sibugay

MANILA, Philippines – Dalawang public school teachers ang dinukot ng urban terror group (UTG) ng Abu Sayyaf sa Talusan, Zamboanga Sibugay province.

Nakilala ang mga biktimang sina Reynadit Bagonoc Silvano, 34, at Russel Bagonoc, 22, kapwa mga guro at residente ng Barangay Moalboal, Talusan.

Ayon sa mga pulis, kahapon bandang 7:30 ng umaga pa naganap ang insidente ngunit ngayong hapon lang idinulog sa kanila.

Lulan ng motorsiklo ang mga biktima at patungong Barangay Tuburan Elementary School nang harangin sila ng anim na kalalakihan.

Puwersahang isinama ng mga tauhan ng UTG ang dalawang biktima na isinakay sa motorized pump boat.

Tatlo sa mga suspek ang nakilala ng mga testigo na sina Naim Sabdani, at mga kapatid na sina Mansul, at Amadan.

Show comments