Driver dinedo sa birthday party

BULACAN, Philippines – Napatay ang 62-anyos na birthday celebrant matapos itong pagbabarilin ng bisitang lalaki kamakalawa ng gabi sa Barangay Balatong-B, bayan ng Pulilan, Bulacan.

Anim na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Danilo Liwag habang pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Demetrio Cauzon, 48, magsasaka, at kapwa nakatira sa nasabing barangay.

Ayon kay PO3 Jaime Alfonso, masayang nakikipag-inuman ang biktima sa mga bisita dahil sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan nang ilabas ng suspek ang cal.45 pistol saka ipinagmayabang.

Dito na sinita ng biktima ang suspek saka pinagbantaang isusuplong sa pulisya dahil sa kawalan ng lisensya ang baril.

Napahiya naman ang suspek sa harap ng mga bisita kaya pansamantalang lumabas ng bahay kung saan nang bumalik ay pinagbabaril ang biktima saka tumakas.

Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal.45 pistol.

Show comments