Ama ng konsehal nilikida

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Napatay ang ama ng konsehal sa bayan sa Cagayan matapos itong lusubin at rat­ratin ng grupo ang kanilang bahay sa Barangay Callao Norte, bayan ng Lasam, kahapon ng umaga. Sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Leon Umbrero, hepe ng Lasam PNP, inakyat muna ng grupo ang bahay ng biktimang si Isaac Agatep Jr., sa ikalawang palapag ng kanilang bahay saka ito kinaladkad pababa ng salas kung saan siya tinadtad ng bala. Ayon sa pulisya, ang biktima ay ama ni Councilor Jay Isaac Agatep III sa nasabing bayan. Tumakas ang mga suspek sakay ng van kung saan inabandona naman sa kalapit na Barangay Ababaryo sa bayan ng Sto. Niño. Base sa record, ang biktima ay sinagip ng mga ope­ratiba ng pulisya matapos arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2014 kaugnay sa reklamong inihain ni Cagayan Governor Alvaro Antonio sa pagkakasangkot sa jueteng sa nasabing bayan.

Show comments