2 nagtagaan dahil sa paputok

MANILA, Philippines - Dahil lamang sa pagtatalo sa inihagis na paputok, napa­tay ang 29-anyos na mister habang malubha naman ang binatang nakalaban nito matapos na magtagaan sa unang araw ng pagsalubong sa Bagong Taon sa bayan ng Tago, Surigao del Sur.

Kinilala ang biktima na si Joemar Rubi na binawian ng buhay na halos isang oras matapos itong isugod sa pagamutan habang isinasalba sa Adela Ty Serra Medical Center ang buhay ng nakatagaan nitong 26-anyos na si Leonie Cabrera.

Sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Barangay Purisima sa kasagsagan ng pagsalubong sa unang araw ng 2015.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad si Rubi nang bigla na lamang maghagis nang sinindihang paputok si Cabrera at muntik ng masabugan ang nasabing mister.

Bunga nito ay nairita si Rubi kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang hanggang sa maghamon ang nasabing mister ng tagaan.

Nagtagaan ang dalawa kung saan kapwa ang mga ito nagtamo ng matitinding sugat sa katawan.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang dalawa pero  idineklarang patay si Rubi na napuruhan habang patuloy ang imbestigasyon. Joy Cantos

 

Show comments