Kahera tumba sa holdaper

MANILA, Philippines - Napatay ang 23-anyos na dalagang kahera makaraang pagsasaksakin ng nag-iisang kawatan na nangholdap sa pinagtratrabahuhan opisina sa naganap na malagim na P.1 M robbery/holdup sa Barangay Disud, bayan ng Sindangan, Zamboanga del Norte kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang napaslang na si Aiken Adalia ng Dapitan City at kahera sa Gold Digger Credit and Collection Services sa nasabing lugar.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang pumasok ang suspek sa nasabing opisina at agad tinutukan ng patalim si Adalia sabay deklara ng holdap.

Sa pahayag ng ilang testigo, humihingi ng saklolo si Adalia at kasunod nito ay nakita nila ang suspek na nakatakip ng damit sa mukha habang tumatakbo  palabas ng nasabing opisina bago sumakay ng motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives, nata­ngay ng holdaper ang P.1 milyon mula sa safety vault ng opisina.

Narekober sa crime scene ang duguang grass cutter na ginamit sa pa­nanaksak sa biktima. 

Show comments