MANILA, Philippines - Umaabot sa 18-katao ang napaslang habang anim naman ang nasugatan kabilang ang isang sundalo makaraang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng tribong Manobo at rebelde sa liblib na bahagi ng Barangay Sta. Irene sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur kahapon.
Ayon kay Major Ricardo Visaya, commander ng Army’s 4th Infantry Division, bandang alas-5:30 ng umaga nang magbakbakan ang ang rebeldeng NPA at tribong Manobo sa nabanggit na barangay.
Nabatid na pumalag na ang tribong Manobo sa recruitment at panghaharas ng mga rebelde sa mga residente kaya pinaghandaan ang pagbalik ng komunistang grupo.
Nang magpaputok ng baril sa ere ang mga rebelde ay nagsipaghanda na ang mga Manobo na nakipagbakbakan.
Sa nasabing bakbakan ay 12 ang napatay na rebelde, apat naman sa mga katutubo at isang sundalo ng Philippine Army.
Bandang alas- 6:30 naman ng umaga ng masabat ng tropa ng militar ang tumatakas na mga rebelde sa Barangay Awa kung saan sumiklab ang bakbakan na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Dito na rumesponde ang tropa ng 1st Division Reconnaissance Company at Special Forces Battalion ng 401st Brigade ng Phil Army kung saan tinulungan ang mga tribong Manobo sa pakikipagbakbakan kung saan isang NPA ang napatay.
Samantala, umabot naman sa 16-matataas na kalibre ng baril kabilang ang AK 47 rifle, 203 rifles ang narekober ng militar sa pinangyarihan ng bakbakan.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang bakbakan sa pagitan ng magkalabang panig.