3 negosyante sugatan sa bigong holdap

TUGUEGARAO  CITY, Philippines- Tatlong negosyante ang malubhang nasugatan matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong holdaper sa bigong holdap sa Brgy. Garit Norte, Echague, Isabela kamakalawa.

Kinilala ni Chief Inspector Melchor Ariola, hepe ng Echague Police ang mga biktima na sina Gino Pastor, 24, Roque Fajardo, 43 at Simplicio Manuel, 39; pawang mga residente ng katabing bayan ng San Agustin.

Lumalabas sa imbestigasyon na sakay ng truck at galing  sa Pangasinan ang mga biktima dala ang halos kalahating milyong pisong pinagbentahan nila ng mga kalabaw na target agawin ng mga holdaper.?

Ayon sa ulat, hindi nawalan ng loob ang driver na si Gino Pastor na paandarin palayo ang minamanehong truck hanggang marating nila ang sumunod na bayan ng Jones kung saan nito isinugod ang sarili at kasamahan sa ospital.

Kasalukuyan pa rin sinisiyasat ng pulisya ang nasabing krimen.

Show comments