Trader itinumba sa palengke

MANILA, Philippines - Napaslang ang 53-an­yos na trader na kapa­ngalan ng sikat na karakter sa pelikula sa Hollywood na si Batman makaraang pagbabarilin ng mister na nakaaway nito sa negosyo sa palengke ng Barangay District IV, bayan ng Bala­yan, Batangas kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. JIreh Omega Fidel, Batangas PNP director, kinilala ang biktima na si Batman Macatuman, 53, tubong Marawi City, Lanao del Sur at naninirahan sa Lealtad Street sa nasabing bayan.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang  suspek na si Joel Albia, 41, tubong Escalante, Neg­ros Occidental at nakatira naman sa bayan ng Tuy, Batangas.

Nabatid na abala ang biktima sa pag-aalok sa mga mamimili ng kaniyang paninda sa Batman’s Footware sa ikalawang palapag ng gusali ng palengke nang lapitan at pagbabarilin ng suspek.

Nagawa pang maisugod sa Madonna General Hospital subalit namatay din ang biktima matapos mapuruhan sa leeg at kaliwang balikat.

Natukoy naman ang suspek matapos ituro ng ilang testigo sa palengke habang sinisilip naman ang anggulong alitan sa negosyo ang isa sa motibo ng gunman.

 

Show comments