Kawani ng city hall itinumba

BATANGASmm –  Sinalubong ni kamatayan ang 54-anyos na kawani ng Tanauan City Hall habang sugatan naman ang kasama nito matapos tambangan ng riding-in-tandem gunmen sa Barangay Balete sa nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Supt. Chris Olazo, Tanauan PNP chief ang napatay na si Roman Vergara, official driver ng City Agriculturist Office at residente ng Barangay Maria Paz, Tanauan City. Sugatan naman si Juanito Ramos, 54, staff ng city veterinarian office sa nasabing lungsod. Ayon sa report, pauwi na ang dalawa sakay ng  traysikel na minamaneho ni Vergara habang angkas naman si Ramos nang ratratin pagsapit sa Barangay Balele bandang alas-6 ng gabi. Isinugod pa ang dalawa sa CP Reyes Hospital pero namatay din si Vergara habang nakaligtas naman si Ramos matapos daplisan ng bala sa kanyang kanang braso at kaliwang dibdib. Narekober sa crime scene ang 7-basyo ng bala ng cal. 45 pistol.

Show comments