Guro itinumba ng tandem

CEBU , Philippines   â€“ Napaslang ang 45-anyos na public school teacher habang sugatan naman ang anak nitong babae matapos na pagbabarilin motorcycle-riding gunmen sa Barangay Camboang, Dumanjug, Cebu bago maghatinggabi kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ariel Antonio Yu Zucena, guro sa Lawaan ­Elementary School sa bayan ng Dumanjug.

Sa insiyal na imbestigasyon ng pulisya, kaangkas ni Zucena sa motorsiklo ang kanyang anak na 12-anyos na dalagita na si Ann Rose nang tangkaing mag-overtake ng dalawang di-kilalang lalaki na lulan din ng motorsiklo pagsapit sa Dalco farm sa Sito Lomboy.

Napag-alamang siniguro ng gunmen na ang biktima ang kanilang puntirya matapos itong tingnang maigi bago pagbabarilin habang nagmomotorsiklo.

Dito na tumilapon mula sa sumeplang na motorsiklo ang biktima bago muling nilapitan at pinagbabaril ng gunmen.

Isinugod naman sa pagamutan ang dalagitang anak na nagtamo ng mga sugat sa katawan matapos itong tumilapon mula sa motorsiklo.

Ayon sa pulisya, ang mag-ama na sinasabing papauwi na Barangay Lawaan mula sa pagtitipon ng Teachers Night na isa sa mga aktibidad sa nasabing bayan kaugnay ng nalalapit na kapistahan sa Oktubre 3 hanggang 4, 2013.

Sinisilip naman ng mga imbestigador ni P/Senior Insp. Cesar Misola, Jr, hepe ng Dumanjug PNP, ang mga anggulong love triangle at may kaugnayan sa trabaho ng biktima.

Show comments