Mag-asawa kinarne ng magsasaka

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Nadamay sa hidwaan na kinasasangkutan ng kanilang anak ang mag asawang matanda na pinagtataga ng kanilang kapitbahay na magsasaka hanggang mapatay sa Barangay Cattaran, bayan ng Solana, Cagayan kamakalawa.


Kinilala ni PO2 Evangelito Baccay Jr. ang mag-asawa na sina Rodolfo Cabasag, 60; at Gaudencia Cabasag, 57, kapwa nakatira  sa nabanggit na barangay.

Samantala, nasakote naman ang suspect habang nagpapagamot sa ospital na si Alberto Batang, 47.

Nabatid na rumesponde lamang si Batang sa nagaganap na sunog sa abandonadong bahay sa compound ng mag-asawang Cabasag  subalit sinugod siya at pinagtataga ng lalaking anak ng mag-asawa na si Fernan Cabasag.


Gayon pa man, kahit sugatan ay nakatakbo at kumuha ng gulok si Batang sa kanilang bahay kung saan nang bumalik ay wala na si Fernan kaya ang pinagbalingan nito ay ang mag-asawa na nagtangka rin sa kanyang buhay.


Sa tala ng pulisya, si Fernan ay sinasabing may nakabinbing warrant of arrest sa kasong kriminal laban sa isa pang kapitbahay habang patuloy na tinutugis ang anak ng mag-asawa.

Show comments