Mag-asawa tinodas ng manugang

CAMARINES NORTE , Philippines    - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang mag-asawa ng kanilang manugang na babae matapos itong mag-amok sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Jose, bayan ng Guinobatan, Albay kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Efren Morato, 58; at Naty Morato, 58, habang naaresto naman ang suspek na si Melinda Morato, 30, kapwa naninirahan sa nasabing bayan.

Bandang alas-4 ng hapon nang magsimulang mag-amok ang suspek na sinasabing nanlilisik ang mga mata bago undayan ng saksak ang lalaking biyanan nito.

Tinangkang awatin naman ni Naty ang suspek subalit maging ito ay inundayan din ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid na ang mister ni Melinda ay nagtatrabaho sa Laguna ng maganap ang krimen kung saan sinasa­bing may kinikimkim na galit sa biyanang lalaki.

Nahaharap  sa kasong double murder ang suspek na nakapiit ngayon sa himpilan ng pulisya. 

 

Show comments