2 karnaper tumba sa shootout

MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang karnaper na sinasabing miyembro ng Osamis Group makaraang makipag- sagupaan sa mga awtoridad sa bahagi ng Barangay Bantog sa bayan ng ­Asingan, Pangasinan kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Chief Insp. Ryan Manongdo, tagapagsalita ng Pangasinan PNP ang mga napatay na sina Aguiles Senagan at Jose Gabayan. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lulan ng Toyota Vios taxi (UWE-579) ang dalawa nang pahintuin ng mga operatiba ng pulisya pagsapit sa inilatag na checkpoint. Imbes na huminto ay nagpaputok ng baril ang mga karnaper na nauwi sa matinding bakbakan hanggang mapatay ang dalawa.  Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na kinarnap ang taxi na pag-aari ni Antonio Angeles Jr. habang bumibiyahe sa hindi nabatid na lugar sa Metro Manila.

 

Show comments