Doktor, misis patay sa tandem

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Napatay ang 50-anyos na doktor at misis nito na sinasabing malapit na kaanak ng bagong halal na mayor at kongresista matapos pagbabarilin ng motorcycle-riding assassins sa kahabaan ng Naguilian-Baguio Road sa Barangay Acao, bayan ng Bauang, La Union noong  Miyerkules ng gabi.

Naisugod pa sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fer­nando City subalit namatay din habang ginagamot ang mag-asawang sina Dr. Mario “Ching” Valera  at Viena Valera, 48, kapwa nakatira sa bayan ng Bangued, Abra.

Ayon kay P/Chief Inspector Reynaldo Lizardo, hepe ng Bauang PNP, pauwi na ang mag-asawa lulan ng itim na Montero Sports uti­lity vehicle (NOE 518) nang biglang sundan  at ratratin ng riding-in-tandem.

Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng Super cal. 38 pistol.

Hindi naman inaalis ng mga imbestigador ng pulisya na may bahid-pulitika ang naganap na pamamaslang dahil sa kaanak ni Dr. Valero sina Mayor-elect Dominic Valero ng Bangued at Abra Rep. Jocelyn Valero -Bernos. Dagdag ulat ni Artemio Dumlao

 

Show comments