Flashflood:100 bahay napinsala

MANILA, Philippines - Umaabot sa 100 bahay at 20 bangka ang napinsala sa magkakahiwalay na flashflood at storm surge sa baybayin ng Estancia at Barotac Nuevo sa lalawigan ng Iloilo kahapon ng tanghali. Sa ulat ni PRO6 director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-11:15 ng tanghali ng maminsala ang malalaking alon partikular na sa pantalan ng Estancia, Iloilo. Bandang alas-12:30  ng tanghali nang salantahin naman ng flashflood ang Sitio Lamitao, Brgy. Talisay; Sitio Baybay sa Brgy. Lanas sa bayan ng Barotac  Nuevo sanhi ng high tide at malakas na hangin. Nakaapekto naman sa mga pamilyang naninirahan sa 100 kabahayan kung saan pinasok ng baha  ang nasabing lugar.Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa naturang insidente. Nagsagawa na ng search and rescue operation ang mga elemento ng pulisya sa mga residenteng naapektuhan.

Show comments