3 sasakyan sinunog ng NPA

MANILA, Philippines - Muli na namang naghasik ng karahasan ang mga rebeldeng New People’s Army makaraang sunugin ang tatlong heavy equiptments ng construction company sa Davao City, Davao kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-7:45 ng gabi nang lusubin ng mga armadong rebelde ang Jammetrix Construction Company, malapit sa simbahan sa Panacan relocation.

Walang nagawa ang mga sekyu at kawani ng construction firm at sinamantala naman ng mga rebelde na buhusan ng gasolina saka sinilaban ang dalawang backhoe. Hindi pa nakuntento ay isinunod namang sunugin ng mga rebelde ang isang payloader.

Matapos ang pananabotahe ay mabilis na nagsitakas ang mga rebelde kung saan nagbanta pang hindi titigil sa pananabotahe kapag hindi tumalima sa pagbabayad ng revolutionary tax ng may-aring si Allan Zamora.

 

Show comments