Preso nang-agaw ng baril, inutas

RIZAL , Philippines – Bulagta ang isa sa anim na nakapatay sa isang pulis noong bisperas ng Bagong Taon matapos mabaril ng pulis dahil sa pang-aagaw ng baril habang lulan ng patrol car patungong piskalya sa bayan ng Rodriguez, Rizal kahapon ng umaga.

Kinilala ang napatay na si Mario Gonzales, 25, ay isa sa anim na suspek na itinuturong nakapatay kay PO1 Paul Martin Nuyles at nakasugat kay PO1 Raymundo Robel ng Rodriguez PNP.

Nabatid na lulan ng PNP service vehicle si Gonzales kasama sina PO3 Allan Bentazal at P02 Rommel Ramos patungo sa Rizal Provincial Pro­secutor’s Office para sa inquest proceeding nang agawin ang baril ni PO3 Bentazal.

Ikinaalarma naman ito ni PO2 Ramos na kaagad na nagbunot ng baril at pinaputukan si Gonzales.

Naisugod pa sa H-Ville Hospital sa Brgy. Manggahan si Gonzales kung saan ito namatay.

Base sa tala ng pulisya, sina PO1 Martin at PO1 Robel ay sinasabing niratrat ng grupo ni Gonzales habang nasa checkpoint noong bisperas ng Bagong Taon sa tapat ng istasyon ng pulisya.

Naaresto naman si Gonzales at nakatakda na sanang i-inquest nang bigla na lamang itong mang-agaw ng baril dakong alas-7:20 ng umaga habang ibinibiyahe sa kahabaan ng Mabini Street, Barangay Burgos sa bayan ng Rodriguez.

 

Show comments