Bus nahulog sa kanal: 28 katao sugatan

MANILA, Philippines - Umaabot sa 28 katao ang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa isang malalim na kanal ang pampasaherong bus na sinasakyan ng mga ito sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR) tollway sa Brgy. Lapu-Lapo II, San Jose, Batangas nitong Bi­yernes.

Isinugod naman sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City ang mga nasugatang biktima upang malapatan ng lunas.

Sa ulat ng National Di­saster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naganap ang sakuna sa bisinidad ng KM 90 +600 sa bahagi ng STAR Tollway sa nasabing lugar dakong alas-10:30 ng umaga.

Kasalukuyang minamaneho ng driver na si Narciso Vallespin, 42-anyos ng Muntinlupa City ang Dimple Bus (TYU 464) ng bigla na lamang mawalan ng preno ang behikulo.

Ayon pa sa imbestigas­yon patungo sa hilagang direksyon ng Batangas ang bus na may lulang nasa 47 pasahero galing Metro Manila ng mangyari ang malagim na sakuna.

Upang maiwasang maka­bangga ng iba pang behikulo ay kumanan ang driver hanggang sa mahulog sa isang malalim at konkretong kanal ang bus na siyang ikinasugat ng mga pasahero nito.

 

Show comments