^

PSN Showbiz

Male personality na paniwalain, pinapayuhang paandarin ang utak!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kapag hindi inagapan ng isang sikat na male personality ang kanyang nakasanayang ugali ay ‘yun mismo ang maghuhulog sa kanya sa kangkungan. Walang dudang ‘yun ang magpapatalo sa kanya sa mahigpitang labanan na pinapasok niya.

Hindi siya nag-iisip nang maraming beses bago siya magdesisyon, nakikinig siya sa mga taong walang ginawa kundi ang bumulong lang sa kanya, kapag pumapalpak ang kanyang desisyon ay saka niya sisisihin ang mga nagpapaikot sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Kahit sa personal niyang buhay, palagi siyang pumapalpak sa pag­dedesisyon. Magulo ang personal life niya, damay pati ang pamilya niya.

“Masama ang loob sa kanya ng mismong family niya dahil nagpapadala siya sa sulsol. Matindi ang sumusulsol sa kanya, magaling mag-imbento ng mga kuwento, na pinaniniwalaan naman ng male personality,” unang sultada ng aming impormante.

Maging sa kanyang career ay bulungin din siya, mapagpaniwala siya sa mga taong hindi kagandahan ang impluwensiya sa kanya, kaya siya sumasabit.

Balik-chika ng aming source, “Tumanggap siya ng project. Napakalinaw ng usapan na alas tres nang hapon ang shoot. Ang kasama niya sa trabaho, e, isang icon sa mundo ng musika.

“May nagsabi sa kanya na hindi siya dapat mauna sa set, kailangang mas mauna sa kanya ‘yung music icon, paghintayin daw niya dahil napakalaki ng name niya!

“Napanghal sa kahihintay ang staff and crew, alas singko na siya dumating, two hours late. Hiyang-hiya sa production ang agent ng male personality. Ang linaw ng bilin sa kanya, alas tres nang hapon ang calltime!

“E, nakinig siya sa mga miron niya. Sikat na sikat daw siya, kaya may karapatan siyang magpahintay! Ang ending?

“May second version pa sana ang project, pero ang music icon na lang ang kinuha ng agency, tinanggal na siya, isa siyang makasaysayang cause of delay!” kuwento uli ng aming source.

Matindi ang laban na nakatakdang pagdaanan ng male personality, pero ngayon pa lang, umaasa na ang mga nakakakilala sa kanya sa pagkatalo niya.

Sabi uli ng aming impormante, “Wala siyang sariling disposisyon, nagpapadala lang siya sa mga bulong! ‘Yun ang kailangan niyang baguhin para hindi siya sumasablay!

“Pak na pak ang payo ng mga nagmamalasakit sa kanya, huwag siyang bulungin, gamitin niya ang utak niya sa pag-iisip dahil sayang naman!” madiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kampo ni Sen. manny, gasgas na ang depensa

Napakakipot ng butas ng pintuan na kailangang lusutan ni Senador Manny Pacquiao para sa mataas niyang pangarap na maging tagapamuno ng bayan ni Juan.

At makitid na nga ang daan sa pagpasok niya sa matinding laban ay nakaligtaan pa niyang ipagpag ang dalawa niyang paa para wala siyang bitbit na dumi sa matindi niyang ambisyon.

Politically motivated. Napakagasgas ng salitang ‘yan bilang depensa ng kampo ng Pambansang Kamao sa mga taong kumakalampag sa kanya ngayon.

Ang paglalantad ng akusasyon ng kanyang dating malapit na kaibigang si Jayke Joson. Ang paglalabas ng saloobin ng mahusay na manunulat na si Snow Badua. Ang kaliwa’t kanang reklamo laban sa kanya ng mga tauhan niya sa MPBL.

Ang pagsigaw ni Governor Chavit Singson na dati rin niyang kaututang-dila. Lahat ‘yun ay politically motivated lang. Winawasak lang siya ng mga dati niyang katrabaho dahil tumatakbo siyang pangulo.

‘Yung reklamo ng mga manggagawa ng MPBL, ang mismong pahinang ito isang taon na ang nakararaan ang naging saksi sa kanilang paniningil. Nagpandemya na pero hindi pa rin sila pinasusuweldo ni Senador Pacquiao.

‘Yung rebelasyon ni Jayke Joson, nu’ng isang taon pa niya dapat niresolbahan, pero ni ha ni ho ay wala siyang ginawang paraan para ayusin ang problema. Ngayon ay sasabihin niyang politically motivated lang ang lahat ng akusasyon sa kanya?

Nakapadaling gasgasin ang ginagamit niyang salita, pero ang totoo ay alam ni Pacman kung saan siya nagkamali, kinapos siya ng responsibilidad na harapin ang kanyang obligasyon.

Kahit sa korte ay malinaw ang paalala, kailangan mong humarap sa husgado nang malinis ang iyong kamay, para dumaan ka man sa direct at cross examination ay hindi ka maliligaw sa iyong pagsagot.

Ang sukatan ng katapangan ay hindi idinadaan sa lakas at bangis ng mga kamao. Ang tunay na matapang ay marunong magpakumbaba at tumanggap ng mga kakapusan at kalabisan.

Siguro nga ay isandaang porsiyento nang pinaniniwalaan ng Pambansang Kamao ang iniwanang payo ni Winston Churchill.

“You will never reach your destination if you stop and throw stones at every dog that barks.”

vuukle comment

SHOWBIZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with