^

PSN Showbiz

Karelasyon ng beki, boss na boss na ang ugali!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Oo nga naman. Kapag ang isang taong galing sa sobrang kahirapan ay nagkaroon ng karelasyong bukod na pinagpala ay pinagbabago ng salapi ang kanyang naturalesa.

Maaaring hindi niya ‘yun sinasadya pero ang mga tao sa kanyang paligid ang nagmamarka na nagbago na siya. Palibhasa’y iba na ang kanyang mundo, punumpuno na ang kanyang bulsa, hindi niya namamalayan na humihiwalay na pala sa lupa ang kanyang mga paa.

Nangyayari ‘yun ngayon sa isang male personality na namulat sa kahirapan. Walang-wala ang kanilang pamilya sa probinsiya, kakainin lang ay hindi pa nila alam kung saan kukunin, kaya ang naging pangarap niya ay yu­maman para makatakas ang kanyang pamilya sa pagdarahop.

Biniyayaan naman siya ng itsura, magandang katawan at kaunting talento, ‘yun ang ginamit niya sa pakikipaglaban sa buhay.

Lahat ng male contest, kahit gaano pa kalayo, ay sinasalihan niya. Nagpursige siya nang husto, hanggang sa manalo siya ng major award sa pagrampa, nagkakaroon na ng hugis ang kanyang pangarap.

Kuwento ng aming source, “Walang aksidente sa mundo, naka-design ang lahat ng pangyayari, tinawagan siya ng isang kaibigan para mag-audition sa isang show.

“Nakuha niya ang opportunity, siya ang napili ng production, at ‘yun na ang nagpabago sa buhay niya,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Habang tumatagal siya sa programa ay nakuha niya ang atensiyon ng isang “makapangyarihang” gay TV host. Biruan lang nu’ng una ang lahat, hanggang sa naging totohanan na, at ngayo’y nakakailang taon na sila.

“Panay ang puri sa kanya ng gay host, hindi raw siya mukhang pera. Hindi raw siya user, mararamdaman daw naman niya kung pera lang ang habol sa kanya ng male personality.

“Pero napapansin ng mga katropa ng gay TV host na nagbabago na ang ugali ng lalaki. Iba na raw ang datingan niya ngayon. Kunwari, kailangan niya ng tubig, papalakpak siya nang malakas, saka ubod nang lakas din siyang sisigaw, ‘Tubig!!!!’

“Ay, nagbabago na nga ang male personality, boss na boss na ang atake niya, kaya naiinis sa kanya ang mga katropa ng beki! Nakalilimot siguro siya na kumbaga, e, wala naman siyang power sa bahay na ‘yun, nagkataon lang na boyfriend siya ng beki!

“Paminsan-minsan lang daw namang ganu’n ang male personality, mabait naman siya, nakalilimot lang na may mga pagbabago na sa ugali niya.

“Ayun! ‘Yun na ‘yun! Hindi maganda ang ganu’n! Hindi magandang bisyo ang ganu’n!” pagbibigay pa ng clue sa pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Sen. Manny, palaban agad sa mga tiwaling pulitiko

Ayan na! Unti-unti nang naglalabasan sa kanilang lungga ang mga pulitikong maglalaban-laban sa iba-ibang posisyon sa padating na halalan.

May mga ayaw pang magpahayag, nakikiramdam lang muna sila, mahirap na raw kasing mapaghandaan ang kanilang kandidatura ng mga kaagawan sa puwesto.

Naglantad na ng kanyang kulay ang Pambansang Kamao, tinanggap na niya ang hamon ng kanyang partido para kumandidato sa panguluhan, ang makakahawak-kamay na lang niya bilang vice-president ang wala pang mukha ngayon.

Madidiin ang mga salita ni Senador Manny Pacquiao sa kanyang talumpati ng pagtanggap sa kandidatura bilang pangulo. Pinalakpakan ‘yun ng kanyang mga kaalyado.

Gusto rin naming isipin na sumisigaw ng pagbubunyi kay Pacman ang mga nanonood lang sa telebisyon lalo na sa kanyang sinabing bilang na ang araw ng mga pulitikong kurap at nagnanakaw ng pera sa kaban ng ating bayan.

Totoong-totoo ang kanyang sinabi na produkto siya ng kahirapan, alam na alam niya ang damdamin ng mga nagdarahop, kaya ang mga kababayan nating napag-iiwanan sa laban ang gusto niyang paglingkuran.

Huwag daw tayong maniwala sa mga pangako ng pagbabago na lahat naman ay napako lang. Palaban na agad si Senador Manny sa unang paghawak pa lang niya ng mikropono. Sapul na sapul sa mukha ang mga tiwaling pulitiko, ang mga nag-aanyong naglilingkod, pero pangsari­ling bulsa naman ang inaatupag na punuin hanggang sa magkandasuka na.

Maganda ang labanan sa darating na halalan. Digmaan ito sa pagitan ng meron at sa wala. Masarap silang panoorin at pakinggan sa napi­pinto nilang pagbabatuhan ng basura sa harap ng sambayanan.

Kailangan nating ingatan at alagaan ang ating boto. Anim na taon na naman ang pinag-uusapan dito. Tayo ang magdidikta kung sino ang gusto na­ting mamuno sa isang makatarungang pamahalaan.

Ang tambalan pa lang nina Senador Ping Lacson at Senador Tito Sotto ang lumalantad, sumunod si Senador Manny Pacquiao, ang iba ay nagdya-jack en poy pa at nakikiramdam.

 

vuukle comment

SHOWBIZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with