16 teroristang BIFF sumuko sa military
MANILA, Philippines — Dumanas muli ng dagok ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos sumuko ang 16 pa nitong miyembro sa tropa ng gobyerno sa Brgy. Meta, Datu Unsay, Maguindanao noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, spokesman ng Philippine Army (PA)-6th Infantry Division (ID) na nakabase sa Central Mindanao, pitong bandido sa ilalim ng Karialan Faction at 9 mula sa Bungos faction ang nagsisuko sa tropa ng 92nd Infantry Battalion (IB) na pinamumunuan ni Lt. Col. Nathaniel Balintong at pulisya.
Nabatid na bitbit ng mga bandido sa kanilang pagsuko ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng pitong cal 30 M1 Garand rifle, isang 5.56 sniper rifle, isang 7.62mm sniper rifle, isang 7.62mm M14 rifle, isang rocket propelled grenade, isang converted 7.62 rifle, dalawang .50 cal. Barret rifle, isang improvised grenade at isang improvised explosive device (IED) na iprinisinta nitong Enero 16 kay Brig. Gen. Ignatius Patrimonio, brigade commander ng 1st Brigade Combat Team at Headquarters 92IB sa Datu Unsay, Maguindanao na sinaksihan ng mga lokal na opisyales.
- Latest