PSC kinondena ang nangyaring pamamaril sa loob ng MSU
MANILA, Philippines — Hangga’t maaari ay ayaw nang maulit ng Philippine Sports Commission (PSC) ang nangyaring pamamaril sa isang Bangsamoro youth sports event sa Mindanao State University (MSU) grandstand sa Marawi noong Biyernes.
Kaya naman nakipag-usap na si PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa mga sports coordinators sa Marawi para malaman ang buong pangyayari at kung anong mga aksyon ang dapat gawin.
“The shooting incident was sad and tragic. It is something that we at the PSC condemn in the strongest possible terms,” wika kahapon ng sports agency sa isang statement. “Sports events should be a gathering of sportsmen whose love for equality and peace are fostered through physical exercise and movement.”
Ibinabandera ni Ramirez ang “Sports for Peace” program sa buong bansa lalo na sa Marawi.
Sa imbestigasyon ng Lanao del Sur Police ay hinabol umano ang MSU student na si Aripodin Mamacuna ng tatlong armadong lalaki sa loob ng eskuwelahan.
Nagtungo si Mamacuna sa MSU grandstand kung saan may nangyayaring Bangsamoro youth sports activity.
Ngunit nasukol siya ng mga kalalakihan at binugbog habang sumaklolo naman ang isang off-duty policeman na nagresulta sa barilan.
- Latest