Face shields nae-expire rin – DOH
MANILA, Philippines —Ipinaliwanag kahapon ng Department of Health (DOH) na ang medical grade face shields ay may shelf life rin o nae-expire subalit ito ay hindi kapareho ng ibinebenta sa publiko o para sa community use.
Paliwanag ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaugnay sa naging katanungan ng ilang social media user noong Biyernes sa Senate Hearing matapos ibunyag ng isang testigo na ang Pharmally Pharmaceutical Corp. ay nagre-repack ng sub-standard at pinapalitan ang petsa ng medical-grade supply face shields na para sa DOH na ipinagagamit sa health workers ngayong may pandemya.
“Just like any medical commodity, mayroon din pong tinatawag na shelf life. Ito pong face shields na binibili namin is not for the community,” paliwanag ni Vergeire sa isang public briefing.
“Ito pong mga face shield na ito na maaaring magkaroon ng deterioration over time... mayroon po siyang foam na nakadikit diyan para hindi masakit sa noo ng ating healthcare workers. Ito pong foam na ito over time, nag-pupulverize po ‘yan, nadudurog. ‘Yung iba nagdi-discolor po ‘yan,” dagdag pa ni Vergeire.
Gayunman, sinabi ng DOH na kahit expire o lagpas na sa shelf life, mas importante tingnan ang kalidad ng face shields upang mapigilan na mahawaan ng sakit ang health care workers.
Matatandaang isang manggagawa sa bodega ng Pharmally na tumayong testigo sa pagdinig sa Senado nitong Biyernes ang nagbunyag na ang management ang nag-uutos sa kanila na palitan ang certificate stickers ng face shields na may tatak na 2020 sa 2021, na bahagi ng delivery na inorder ng DOH.
Dagdag pa ng testigo, may mga naninilaw na face shields, mga nakatupi, basa, luma at may mga marurumi ang kabilang sa kanilang nire-repack.
Sa kabila naman ng pagkumpirma ng isang Krizle Grace Mago ng Pharmally na pinapalitan nila ang certification stickers ng mga face shields, iginiit ni Vergeire na ang mga idinedeliber na items para gamitin ng health workers sa bansa ay pumasa sa inspeksyon.
- Latest