MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng Petro Gazz ang pang-pitong sunod na panalo papasok sa finals ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Gazz Angels ang nagdedepensang Creamline Cool Smashers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Choco Mucho Flying Titans at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6 ng gabi sa single-round robin semifinal round sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Petro Gazz ang seven-game winning streak ng Chery Tiggo nang hatawin ang 20-25, 25-21, 25-15, 25-16 panalo noong Martes.
“We just have to make sure that we continue to focus on our side and take care of our business,” ani Brooke Van Sickle na pumalo ng 21 points mula sa 18 attacks, dalawang blocks at isang ace sa paggiba ng Gazz Angels sa Crossovers.
“When we all come together and very collectively just like ‘okay, this is what we’re gonna do’ and continue to push,” dagdag ng Fil-Am outside hitter.
Nakalasap naman ang Cool Smashers ng 25-13, 25-19, 21-25, 20-25, 16-18 kabiguan sa Flying Titans na tumapos sa kanilang 12-0 record sa sister team nila.
“I think that’s the break of the game din talaga. We can end with just two sets, and I think iyon ang isa sa mga biggest lesson namin,” sabi ni Creamline star Alyssa Valdez na humataw ng 21 markers laban sa Choco Mucho.
Kagaya ng Petro Gazz, hangad din ng Choco Mucho ang finals berth sa pagharap sa Chery Tiggo.