UST winalis ang PNVF U-18 Championship Pool A

MANILA, Philippines — Pinadapa ng University of Santo Tomas ang Maryhill College Lucena, 25-10, 25-15, para kumpletuhin ang group sweep sa 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Hinataw ng Junior Golden Tigresses ang 5-0 record sa Pool A girls’ division at lalabanan ang fourth-ranked squad mula sa Pool B, binabanderahan ng UAAP powerhouse National University (4-0), sa knockout quarterfinals.

Inangkin ng Kings’ Montessori School (3-1) ang No. 2 seed sa Pool A matapos gibain ang La Salle-Zobel, 25-12, 25-16.

Ang top four teams sa bawat pool ang aabante sa knockout playoffs na lalaruin sa isang regular best-of-five format mula sa maikling three-setter play sa prelims.

Sa Pool B, tinakasan ng San Juan Institute of Technology-Batangas (3-2) ang Parañaque City (0-4), 25-21, 25-22, para palakasin ang tsansa sa quarterfinals.

Sa boys’ division, inangkin ng Angatleta Sports-Orion, Bataan (4-0) ang 25-19, 25-21 panalo sa Philippine Christian University (2-2) para lumapit sa sweep sa Pool A.

Umiskor ang Colegio de los Baños (1-3) ng 22-25, 25-21, 25-15 comeback win sa Aguevea Volleyball Club (0-3) sa Pool B.

Magpapatuloy ang single-round eliminations sa pagharap ng NU (4-0) sa Canossa Academy-Lipa (1-2) sa girls’ Pool A ngayong alas-11:30 ng umaga.

Lalabanan ng Gracel Christian College (2-2) ang Limitless Sports Center (0-4) sa alas-10 ng umaga at magtatapat ang Maryhill College Lucena (1-1) at Kings’ Montessori School (3-1) sa ala-1 ng hapon.

Show comments