MANILA, Philippines — Target ni taekwondo jin Alain Ganapin na masungkit ang gintong medalya sa 4th Asian Para Games na idaraos sa Hangzhou, China.
Desidido si Ganapin na makahirit ng medalya dahil ito ang magiging daan nito para makasikwat ng tiket sa Paris Paralympics sa susunod na taon.
Bigo si Ganapin na makalahok sa Tokyo Paralympic Games noong 2021 matapos magkaroon ng Covid-19 ilang araw bago ito tumulak sa Japan.
“Hindi biro po yung pinagdaanan po namin, especially dahil nung nangyari sa Tokyo na na-miss po namin. Kaya naging emosyonal po ako ng manalo sa qualifying sa Asian Para Games,” ani Ganapin.
Kaya naman nais ni Ganapin na rumesbak sa pagkakataong ito.
Nagkampeon si Ganapin sa men’s -70-kilogram division ng Asian Para Games Qualification Tournament na ginanap sa Sharjah, United Arab Emirates.
Pukpukan ang ensayo ni Ganapin sa Philippine Taekwondo Association Central Gym sa Rizal Memorial Sports Complex kasama si coach Gershon Bautista.
“He (Ganapin) is better off now compared to three months ago. Kapag sparring, nahihirapan na rin ang mga kalaban ni Alain,” ani Bautista.
Kamakailan lamang sumipa si Ganapin ng tanso sa Australian Open na Olympic ranking qualifying competition.
“We believe he (Ganapin) has achieved a good fitness level for him to perform well in this Asian Para Games,” dagdag ni Bautista.