Yulo, Kugimiya naghiwalay ng landas

Carlos Edriel Yulo at Japanese coach Munehiro Kugimiya
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nagulantang ang lahat nang pumutok ang balitang naghiwalay na ng landas sina world champion Carlos Edriel Yulo at Japanese coach Munehiro Kugimiya.

Sa isang ulat na lumabas sa social media, kinumpirma ni Association of the Philippines president Cynthia Carrion ang balitang wala na sa coaching staff si Kugimiya.

Hindi nilinaw ni Carrion ang dahilan na tinukoy na isang personal kaya’t ayaw na muna nitong pag-usapan pa lalo pa’t nakatakdang sumabak si Yulo sa World Championships sa Antwerp, Belgium.

Nais ni Carrion na tumutok muna ang atensiyon ni Yulo sa paghahanda nito para sa World Championships dahil pakay nito na makasungkit ng tiket sa Paris Olympics sa susunod na taon.

Ayaw ni Carrion na magkaroon ng distraksiyon sa magiging performance nito.

Nakasaad sa ulat na nagsimula ang lahat noong Hulyo nang umalis si Yulo sa training camp nito sa Tokyo, Japan.

Nagpasya si Yulo na ipagpatuloy ang kanyang training camp sa bagong gawang gymnastics facility sa Intramuros, Manila.

Maliban kay Kugimiya, wala na rin sa coaching staff ni Yulo si Japanese physiotherapist Junpei Konno.

Pansamantalang kapalit nina Kugimiya at Konno sina Aldrin Castanea at Hazel Calawod.

Mayroon nang bagong foreign coach si Yulo subalit hindi muna ito pinangalanan ni Carrion.

Wala pang opisyal na pahayag si Yulo gayundin sina Kugimiya at Konno.

Magsisimula ang kampanya ni Yulo sa World Championships sa Oktubre 5 sa men’s individual all-around.

Show comments