Giannis pasikat sa panalo ng Bucks

Giannis Antetokounmpo

MILWAUKEE — Kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 22 points, 13 rebounds at 10 assists para pangunahan ang Bucks sa 118-111 pananaig sa Toronto Raptors.

Iniskor ni Brook Lopez ang 17 sa kanyang 26 points sa fourth quarter habang may 20 at 14 markers sina Khris Middleton at Bobby Portis, ayon sa pagkakasunod, para sa Milwaukee (51-20).

Nagsalpak si Fred VanVleet ng 23 points kasunod ang 22 markers ni O.G. A­nunoby sa panig ng Toronto (35-37).

Ang dalawang three-point play at dunk ni Lopez sa fourth quarter ang nagbigay sa Bucks ng 97-95 abante para sa kanilang 15-2 atake na nagbaon sa Raptors sa 104-97.

Sa Portland, kumana si Paul George ng 29 points sa 117-102 paggupo ng Los Angeles Clippers (38-34) sa Trail Blazers (31-40).

Sa New York, nagposte si Nikola Jokic ng 22 points, 17 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-28 triple-double sa season at akayin ang Denver Nuggets (48-24) sa 108-102 panalo sa Brooklyn Nets (39-32).

Sa Los Angeles, kumamada si Austin Reaves ng career-high na 35 points para sa 111-105 pagsapaw ng Lakers (35-37) sa Orlando Magic (29-43).

Sa Oklahoma City, nagsalpak si Shai Gilgeous-Alexander ng dalawang free throws sa huling 10 segundo at tumapos na may 40 points sa 124-120 paggiba ng Thunder (35-36) sa Phoenix Suns (38-33).

Show comments