FINIS national Finals lalarga ngayon sa Clark Center
MANILA, Philippines — Babanderahan ni national junior standout at record holder Jasmine Mojdeh ang kampanya ng Swimming League Philippines (SLP) sa paglarga ng 2022 FINIS Short Course Swim Championship National Finals ngayon sa New Clark City Aquatic Center sa Tarlac.
Lalangoy din para sa SLP ang magkapatid na Heather at Rueben White at sina Yuan Parto, Marcus de Cam at Niel Paderes.
Mahigit 300 swimmers mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang nagsimula nang magdatingan kahapon, ayon kay FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia.
“This is it. We’re now on the exciting part of the competition. After the culmination of the Mindanao leg last August 6-7 in Digos City, the question now is whose are the best swimmers? your bet is as good as mine,” ani Garcia.
Mag-aagawan sa karangalan ang pinakamahusay na 16 tankers mula sa isinagawang qualifying stage na nagsimula noong Abril sa Luzon leg na sinundan ng Visayas leg noong Hulyo.
Magagandang medalya na disenyo ni Garcia at training package na nagkakahalaga ng P100,000 ang matatanggap ng mga magwawagi.
Bagama’t ang FINIS ay naging bahagi ng swimming at aquatics competition bilang sponsor at partner sa loob ng maraming taon, sinabi ni Garcia na ang FINIS Swim Championship ay nag-iwan ng isang espesyal na lugar sa kanyang puso dahil ito ay isang katuparan ng kanyang mga pangarap.
- Latest